Ako si Amelia, ang tanging hinahanap at hinihingi ko dito sa mundo ay paliwanag.
==========================
Bata palang ako namulat na ako sa karahasan at walang katarungang lipunan. Saksi ako sa mga taong walang hinangad kung hindi ang mga pansariling pangangailangan at kasiyahan na ang kapalit ay mga iyak, dugo, dusa, pagod at higit sa lahat, buhay.
Buhay na kanilang kinikitil ng walang awa at konsensya. Buhay na nasasayang, buhay na nawawala, buhay na walang makakaalala.
==========================
Nung ako'y bata pa lamang, naglalaro kami ng mga kababata ko nang bigla kaming mapadpad sa isang malaki at amoy malansang lugar. Hindi ko maalala kung bakit at papaano kami napunta sa lugar na iyon subalit isa lang ang natatandaan ko:
"Sheeeeeeeeeeet!",
ito na lamang ang nasabi ko dahil gulat na gulat ako sa pangyayaring aking nakita. Hile-hilerang patay na katawan ang bumungad sa inosente kong mga mata. Ang iba'y wala ng ulo, ang iba nama'y hinati hati ang mga parte ng katawan. Natatandaan ko pa ang ilang mga kasama ko'y nasuka sa sobrang diri sa mga iyon.
Sinubukan naming lumapit ngunit isang malakas, malaki at matandang babae ang nakayang magpaalis sa amin sa isang galaw lamang ng kanyang kamay habang sinasabi ang salitang "shu".
Lumabas kami at nakita naming madami pa palang ganoon doon. Maiyak iyak ako ng mga panahong iyon. Isa iyon sa mga alaalang hindi ko makakalimutan habang buhay. Matanda na ako ng malaman kong ang tawag pala sa lugar na iyon ay palengke.
==========================
Ako, si Amelia, ay isang langaw, at dahil mayroon akong pakpak na maaari akong dalhin sa iba't ibang lugar at gusto kong laging magliwaliw ng mga panahong iyon, naging daan iyon upang masaksihan ko ang mga karahasan na nagaganap sa mga kapwa ko hayop dahil sa mga tao.
Sa aking mga pagkilatis, napansin kong sobrang daming hayop ang pinapatay araw-araw. PINAPATAY. ARAW-ARAW.
At ginagawa nila ito sa iba't ibang brutal at ka-weirdohang paraan.
Nung nakaraang linggo na nga lamang ay madami na naman akong nasaksihan. Nakita ko ang kutong tiniris-tiris, lamok na pinagsasa-sampal dahil nakapasok sa kulambo, ipis na wala man lang ginagawa ay pinagpapalo-palo ng islander na tsinelas. Ito'y mga hayop na wala naman talagang ginawa kundi ang mabuhay ng mapayapa.
Meron din namang mga pinatay na, hindi pa na kuntento, ay kinain pa ang mga ito. Tulad na lamang ng baboy na nagpapakasaya lamang sa pagpapataba. Mga tilapia, galunggong, manok, baka na araw-araw ay milyon milyon ang china-chop chop sa bangungot palengke. Meron din namang hindi pa nabubuhay o halos nabuhay na tulad ng mga kawawang mga balut, one-day-old at mga simpleng itlog ay hindi na naantay ng mga sikmura ng mga tao.
==========================
Kung kaya't aking minsan naiisip kung posible nga kayang magmulto ang mga hayop?
==========================
Iniisip ko rin minsan kung meron nga kayang Langit para sa aming mga hayop. Gawa rin naman kami ng diyos. At kung yun ngang manok panabong ni San Pedro ay nakalusot sa langit ay bakit kami hinde?
May kuto kaya sa langit? May lugar pa ba ang mga langgam doon? Kasya pa ba ang elepante? Napatawad na kaya at mabait na ang mga shark sa langit? Makakalangoy kaya ang mga shark sa langit? Nandoon din kaya ang ahas na nag-tempt kay Eba? Gaano kataas ang malilipad ng mga ibon sa langit? San lulugar ang mga anay sa langit? Ano ang kulay ng black sheep sa langit? Nasa langit na kaya ang mga dinosaur?
o tao lang ang may langit?
==========================
At ngayon, habang malapit na ako sa aking tiyak na kamatayan, habang nasa harap ko na ang fly swatter, habang patapos na ang aking munting kwento, saka ko lang naintindihan ang lahat.
isang epiphany ang biglang dumapo sa aking sobrang liit ng utak, isa palang uri ng anghel ang mga langaw, hindi ng mga tao kung hindi ng mga hayop. Kaya pala hindi kami kayang mahuli ng mga tao at mapatay dahil isa akong banal na hayop. Tulad ng mga anghel, merong akong pakpak, at higit sa lahat, may malasakit sa mga kapwa ko hayop.
==========================
at ngayon, habang nakalusot nanaman ako sa karahasan sa kamay ng mga tao at muling dinaya ang kamatayan, patuloy kong tutulungan, iiyakan at babantayan ang mga kapwa ko hayop.
==========================
KAYA PALA MADAMING LANGAW SA PALENGKE.. :)
==========================
para kay Bravo, ang aming aso dati, nasa langit ka na kaya?
Thursday, July 2, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment